Bakit ayaw ng mga Pilipino sa translated media?

“Ay, Tagalog?!” sabi ng isang namimili nang makita ang banyagang librong matagal niya nang hinahanap ngunit nasa wikang Filipino.

Ronadine Amata
13 min readAug 2, 2022

Cringe.

Iyan ang salitang kadalasang ikinokonekta ng ilang Pilipino sa mga dayuhang libro at palabas na isinalin sa wikang Filipino. Mapa-KDrama man iyan sa telebisyon o mga librong matatagpuan sa National Bookstore, tinatawag nila itong cringe pagkat hindi na ito gumagamit ng banyagang wika.

Bilang isang taong lumaki sa pagbabasa ng Pugad Baboy komiks at panonood ng Doraemon sa GMA 7 tuwing umaga, napapaisip talaga akokung bakit ba mistulang kinamumuhian ng mga Pilipino ang mga dayuhang midya na puspusang isinalin sa ating sariling wika.

Kapag nagagawi ako sa National Bookstore, Booksale, o Fully Booked upang maghanap ng libro, hindi ko maiwasang mapansin na iniiwasan ng mga tao ang mga dayuhang nobelang nakasalin sa Wikang Filipino. Halatang walang madalas na bumibili sa mga nakasaling libro dahil halos walang nababawas sa bilang nito kumpara sa mga librong nasa wikang Ingles.

Makikita pa nga ang pagkadismaya sa mukha ng bibili at sasabihing “Ay, Tagalog?” kapag nakita niyang mura nga ang dayuhang libro ngunit naka-Filipino naman ito. Minsan ay makikita ring ginagawang katatawanan sa Facebook ang mga nakasaling bersyon nito kahit hindi naman biro ang nakasulat.

Ayon nga sa sanaysay ni Cabral (2020) tungkol sa Filipino dubs ng mga anime mula sa Japan, kapag pinag-uusapan ang mga palabas na isinalin sa wikang Filipino ay awtomatikong kakabit nito ang memes — tila ba kapag nasa wika natin ay cringe o katatawanan na ito agad. Dagdag pa ni Peñalosa (2021), madalas ring kinukutya ang mga voice actor dahil awkward, wirdo, at nakakahiya raw ang pagdu-dub na ginagawa nila sa mga anime at pelikulang dayuhan.

Malakas ang pangmamaliit sa mga dayuhang materyal na isinalin sa Filipino dahil mababa ang tingin ng karamihan sa sarili nating wika. Mas mataas pa rin ang tingin nila sa wikang Ingles kaya’t mas iniisip nila na mainam kung sa wikang ito na lamang sila kokonsumo ng mga babasahin at palabas.

Nakalulungkot ang sitwasyong ito ngunit dapat natin maintindihan na isa itong sistematikong problemang naka-ugat sa daan-daang taong kolonisasyon sa Pilipinas. Upang mas maintindihan natin kung bakit ganito ang mindset ng mga Pilipino sa mga Filipinong salin ng iba’t ibang midya, nararapat nating balikan ang kasaysayan.

Sakupin at Isalin

Ang pinakaunang librong nailimbag sa Pilipinas ay ang Doctrina Christiana noong taong 1593, isang manuskritong naglalaman ng mga Katolikong dasal sa wikang Latin at Espanyol-Romano. Isinalin ito ng mga mananakop na Espanyol upang gamitin sa pagpapalaganap ng Katolikong paniniwala sa arkipelago [9].

Alam ng mga misyonerong Espanyol na hindi makikinig ang mga katutubo sa isang banyagang wika, kaya’t inaral nila ang katutubong wika at isinalin rito ang mga relihiyosong teksto. Sa pamamagitan nito, nagtagumpay sila sa kanilang nais na pagpapalaganap ng Kristiyanismo na namamayagpag pa rin sa Pilipinas ngayon.

Nangyari ang ikalawang yugto ng repormang pangwika noong panahon ng mga Amerikano [1]. Nagtatag sila ng mga pampublikong paaralan kung saan ang mga sundalong Amerikano at Thomasites ang nagturo. Sapilitan ang pagkatuto ng wikang Ingles at umabot ito sa puntong mas alam pa ng mga Pilipino ang ideya, kaugalian, at pambansang awit ng Amerika kaysa sa Pilipinas.

Pinakamatagal man ang pananakop ng mga Espanyol sa bansa, mas matagumpay ang mga Amerikano sa pagpapalaganap ng kanilang kultura, kaugalian, at lalong-lalo na ng kanilang wika.

Bumuti na lamang ang kalagayan ng wikang Filipino sa panahon ng pananakop ng mga Hapon. Ipinatigil nila ang pagkonsumo ng kahit anong materyal na nasa wikang Ingles at hinikayat ang mga Pilipino na magsulat sa kanilang sariling wika. Ito ang pinakamasiglang panahon ng pagtatalakayan sa wika natin [5].

Bagamat umayos ang kalagayan ng wikang Filipino sa mga huling taon ng kolonisasyon, hindi nito nabura sa isipan ng mga mamamayan ang epekto ng wikang banyagang puwersahang isinalaksak ng mga mananakop sa kanila.

Magmula sa pagsasalin ng mga relihiyosong teksto hanggang sa sapilitang pagtuturo ng wikang banyaga, tunay na makapangyarihang kasangkapan ang wika at pagsasalin sa pananakop sa isipan at katawan ng mga mamamayang Pilipino.

Dayuhan ngunit Nakalalamang

Dahil sa napakagaling na taktika ng mga mananakop na Amerikano sa pagpapakilala ng wikang Ingles bilang isang wikang mapagbuklod [11], naging matatas sa wikang banyaga ang mga Pilipino. Ginamit at ginagamit din ng bansa ang Amerikanong sistema ng edukasyon kaya’t talaga namang napakahusay ng mga Pilipino sa isang wikang hindi naman naka-ugat sa kasaysayan, kultura, at tradisyon natin.

Nagbunga ito sa pag-iisip na ang wikang Ingles ang simbolo ng katalinuhan, kaunlaran, at kasaganahan. Ang wikang Filipino naman, bagamat unang opisyal na wikang pambansa, ay pumapangalawa lamang sa Ingles at nababansagan pang pambakya, pangpalengke, o pangkalye [15].

Nalinlang din ang mga batang Pilipinong manunulat na kapag Ingles ang kanilang gamit ay mas malapit sila sa “mundo” — pag-iisip na nagtulak sa ilan sa mga kilalang intelektuwal at pamantasan na pangalanan ang kanilang sarili at ang bansa bilang ikalawang o bagong “Tennyson,” at “mga disipulo ni Shakespeare.”

Noong 1928, ang magasin na Free Press ay sinabing nais nilang humubog ng isang literary genius na makikilala sa Amerika. Napakarami pang halimbawa ngunit iisa lamang ang punto nitong lahat:

Ang wikang Ingles ay tinitingala at kung sino mang mahusay rito ay nakalalamang sa kapwa.

Hindi naman maikakaila ang benepisyong hatid ng pagkamatatas sa wikang Ingles, ngunit nakalulungkot na naungusan pa nito ang sarili nating wika. Bakas na bakas ang hirap ng mga Pilipino sa paggamit ng wikang Filipino, kahit pa yaong mga nakapagtapos ng kolehiyo.

Mayroong tatlong dahilan [8]kung bakit tila hindi lubusang kilala ng mga Pilipino ang kanilang sariling wika: ang sistema ng edukasyon, pagpapadala ng mga mamamayan sa ibang bansa, at globalisasyon.

Una, dahil nga Americanized ang sistema ng ating edukasyon, mas nabibigyang pansin ang wikang Ingles sa pagtuturo.

Kung papansinin, mas marami dapat ang asignaturang ituturo gamit ang wikang Filipino ayon sa Bilingual Education Policy (BEP): araling panlipunan, musika, sining, MAPEH, ekonomiks, at edukasyong pagpapakatao. Ang English, agham, at sipnayan lamang ang dapat na gagamitan ng wikang Ingles bilang panturo, ngunit nang magtagal ay Ingles na rin ang ginamit sa MAPEH at ekonomiks.

Maaari namang sabihing tama lang, dahil halos pantay naman ang bilang ng asignatura sa bawat wikang panturo. Ngunit mas binibigyang-halaga ang mga asignaturang may kaugnayan sa agham, teknolohiya, at sipnayan kaya’t isinasantabi na lamang ang mga asignaturang itinuturo sa Filipino na kadalasang binabansagan na “minor subjects.”

Ikalawa, mas hinihikayat sa mga mag-aaral na maging matatas sa wikang Ingles.

Ang karaniwang pang-engganyo sa kanila ay ang mga trabahong maaari nilang makuha sa mga malalaking kumpanya o sa labas ng bansa kapag sila’y magaling sa wikang banyaga. Ginagamit ang kalinangan sa Ingles bilang isang daan upang humubog ng OFWs, hindi mga propesyunal na tutulong sa pag-unlad ng bansa. Malaki nga naman ang naipapasok na pera ng mga OFW sa Pilipinas, ngunit napakalaking dagok nito sa ating lokal na industriya at pagmamahal sa sariling wika.

Ikatlo, napakadaling matangay sa ibang kultura, kaisipan, at kaugalian na nasa labas ng Pilipinas dahil sa globalisasyon.

Mas lalong nawawala ang pokus sa sariling wika gayong mas natutuwa ang nakararami sa mga banyagang produkto at materyal. Mayroon mang magandang naidudulot ang globalisasyon, hindi maikakailang nasa dulo tayo ng prosesong ito dahil karaniwang huli tayong nakatatanggap ng impormasyon at impormasyong teknolohikal [10].

Napakadaling mawala ng tutok ng mga Pilipino sa sariling bansa lalo na’t nakasisilaw ang mga bagay na mabilis na inihahatid ng globalisadong mundo. Dagdag pa rito, idinidiin ang wikang Ingles upang mas makasabay sa proseso ng globalisasyon, ngunit ayon kay Mario Miclat,

Hindi naman ang kahusayan sa Ingles ang magdadala ng pag-unlad.

Lubhang pagpapahalaga ang ibinigay sa wikang Ingles kaya’t malala rin ang naging epekto nito sa ating kultura at wika. Masakit isipin na ang isang wikang banyaga ay nanlalamang sa ating bayan at patuloy na naghahati sa mga mamamayan. Ang wikang Ingles, bagamat nakatutulong, ay nakasisira rin sa pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at kaayusan ng lipunan.

Mga Salin at Sariling Atin

Kaakibat ng paghahari ng wikang banyaga sa ating lipunan ay ang paglason nito sa kaisipan ng mga mamamayan na mas maganda ang literatura at palabas sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino.

Bukod sa ginagawang biro ang mga sinaling materyal, sukdulan din ang reklamong inaani nito mula sa mga Pilipino. Kalimitan sa mga nagrereklamo ay hindi pa lubusang nabasa o napanood ang mga materyal na ito ngunit agad na silang hindi sumasang-ayon sa pagsasaling ginawa.

Sa larangan ng telebisyon at palabas, napakalaki ng isyu sa dubbing ng mga anime at dayuhang pelikula. Marami ang nagrereklamo sa pagiging awkward ng mga diyalogo kapag nakasalin na sa Filipino ang isang palabas [7].

Hindi rin ito lingid sa kaalaman ng mga dubber mismo — aminado silang mayroong pagkakataong hindi akma ang iskrip dahil hindi mga propesyunal na tagasalin ang nagsusulat ng mga ito. Kadalasan, sila mismong mga dubber ang napipilitang sumulat ng iskrip dahil sa kakulangan sa badyet at tauhan.

Dagdag pa rito ang kakulangan sa pag-eensayo. Kakaunti ang workshops upang mapalago ang kanilang mga kakayahan at kadalasang kulang din ang oras sa paghahanda bago mag-record para sa isang proyekto. Minsan pa ay hindi pinapansin ang mga propresyunal na voice actor at mga artista na lamang ang kinukuha sa malalaking proyekto.

Pagdating naman sa mga librong isinalin sa wikang Filipino, mas maayos ang pagtanggap ng mga mamamayan. Ngunit hindi maitatangging hindi ito dinudumog gaya ng pagtangkilik sa mga bersyong nasa Ingles. Kahit pa gaano kagaling ang tagasalin, hindi pa rin nito na-eengganyo ang mga Pilipino na bilhin ang Filipinong bersyon ng mga babasahin.

Ngunit sa kabila ng mga ito, hindi dapat itigil ang pagsalin ng mga dayuhang materyal. Ang pagsasalin sa Filipino — palabas man o babasahin — ay nakatutulong sa mga Pilipino sa maraming paraan bukod pa sa pagtulong na maging matatas sa ating sariling wika [9][4].

Una, ang mga isinaling materyal ay nakatutulong sa pagdadala sa Pilipinas ng karunungan mula sa iba’t ibang wika at bansa sa mundo.

Halimbawa na lamang ay ang ilang klasikong libro sa Pilosopiya katulad ng mga akda nina Plato at Aristotle na magagamit ng ating mga mag-aaral at propesyunal sa pagtatag at pagpapalakas ng ating sariling pilosopiya.

Mayroon naman tayong mga Pilipinong pilosopo at iskolar na nagsulat ng mga libro sa wikang Filipino, ngunit ang mga akdang inaaral sa mga paaralan ay nasa wikang Ingles pa rin at patuloy na nagnanakaw sa mga mag-aaral ng pagkakataong lubusang maintindihan at matutunan ang mga aral na nakapaloob dito.

Nakapagbibigay rin ng mga bagong pananaw at karanasan ang mga salin. Kung puro akdang mula sa Pilipinas lamang ang ating mababasa, makukulong tayo sa iisang perspektibo lamang. Sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga dayuhang libro sa ating wika, mauunawaan natin ang pananaw at ideya galing sa ibang kultura at bansa.

Bukod pa, isa sa mga pinakamahikal na dulot ng pagbabasa ay ang kakayahan nitong dalhin ang mambabasa sa ibang lugar gamit ang mga salita lamang.

Kung mayroong salin ang iba’t ibang midya galing sa iba’t ibang bansa, napakaraming malalakbay ng mga Pilipino kahit nagbabasa o nanonood lamang sa kani-kanilang bahay.

Ikatlo, ang pagsasalin ay nakapagdudulot ng mas malalim na pagka-unawa sa sariling kultura at kaugalian. Hindi lamang banyagang wika ang isinasalin kundi yaong ibang wika rin sa loob ng Pilipinas. Sa tulong ng mga isinaling akda at palabas, mas mauunawan at mapapalapit tayo sa ating kapwa Pilipino at lipunang kinabibilangan.

Mainam ding banggitin na hindi lamang sa wikang Filipino nagsasalin ang ating mga tagasalin kundi sa iba’t ibang wika rin na matatagpuan sa Pilipinas, gaya ng Ilokano, Cebuano, Kapampangan, at iba pa.

Ang isang malaking layunin ng pagsasalin ay gawing mas madali para sa mga bata at may kapansanan ang panonood at pagbabasa ng mga dayuhang materyal.

Kadalasan at karamihan sa mga batang Pilipino ay hindi pa matatas sa mga wikang banyaga, kaya’t ang pagkakaroon ng mga cartoons at anime na nakasalin sa wikang Filipino ay nakatutulong na maintindihan at matuwa sila sa kanilang pinapanood. Mayroon ding mga taong may kapansanan sa mata at hindi kayang bumasa ng subtitles kaya’t umaasa sa Filipinong salin na mas madaling maintindihan. Kaya’t ang pananaw na gaya ng kay Senadora Pia Cayetano na hindi dapat isalin ang mga palabas ay isang elitista at ableist na pag-iisip na hindi isinasaalang-alang ang kalagayan ng ibang kapwa Pilipino.

Ang pagsasalin noon ay kadalasang ginagawa lamang ng mga grupo at indibidwal na mayroong sapat na kakayahan at kayamanan. Hindi malaki at mayabong ang industriya ng pagsasalin sa Pilipinas dahil walang matatag na market para rito — sa madaling salita, hindi mabenta ang mga isinaling materyal [7].

Sa kabila nito, nariyan pa rin ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at mga programa nito sa pagsalin ng mga akda mula sa loob at labas ng bansa. Isa na sa mga programa ng Komisyon ay ang Aklat ng Bayan na pinasimulan ng dating pinuno ng KWF na si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario.

Maraming Pilipinong manunulat at tagapagsalin ang sumali sa programa at tumulong na payabungin ang pagsasalin ng iba’t ibang akda. Dagdag pa rito ang mga publikasyon mula sa mga unibersidad gaya ng UP Press, ADMU Press, UST Publishing House, at DLSU Publishing House na tumutulong sa paglalathala at pagsasalin ng mga babasahin.

Tunay na napakarami nang isinalin ng ating mga manunulat at tagapagsalin, mula sa mga klasikong akda gaya ng Poetika ni Aristotle, Ang Republika ni Plato, at Ang Piping Balalaika at Iba pang Kuwento ni Ba Jin, sa mga nobela nina Anton Chekhov, Ernest Hemingway, at Charles Dickens, hanggang sa kontemporaryong panitikan gaya ng Twilight ni Stephenie Meyer, The Hunger Games ni Suzzane Collins, at komiks na Pukiusap ni Beverly W. Siy.

Bagkus mayroong kakulangan sa kanilang mga salin, dapat ding pasalamatan at tulungan ang mga dubbers na dinala sa masa ang kuwento ng mga palabas na Meteor Garden, Stairway to Heaven, Jewel in the Palace, mga anime na Dragon Ball, Sailor Moon, at Detective Conan, at marami pang iba.

Konklusyon

Noong kasagsagan ng halalan, mayroong nagtanong sa akin kung paano lubusang maipapaunawa sa mas nakararaming tao ang dokumentaryong The Kingmaker (2019) ni Lauren Greenfield.

Napakahusay ng pagkakagawa ng pelikulang iyon — talagang ipinakita ang karangyaan at kawalang-hiyaan ng pamilyang Marcos at ng kanilang madugong rehimen. Magandang gamitin ang The Kingmaker sa pagmumulat ng mga Pilipino kung hindi lamang dahil sa isang dahilan: ito ay nasa wikang Ingles.

Ayon sa akda ni Glecy Atienza [2] tungkol sa protest drama noong panahon ng Batas Militar, ginamit ng iba’t ibang grupong pangkultura gaya ng Panday Sining at Tanghalang Bayan ang wikang Filipino sa kanilang mga dula upang mas epektibong maihatid ang mensahe nila sa mga mamamayan, pangkaraniwan man o hindi.

Bukod sa pagiging panghikayat na sumali sa kilusan at pag-aalsa, naging pambuhay rin sa bawat pagtitipon ang mga dulang iyon. Mainam ding banggitin na kadalasang improvised ang mga dula noon — mabilisan, banghay lamang ang iskrip, at walang pag-eensayo.

Nanghimok, nanghamig, at nagdiwang sila sa tulong ng wikang mas nauunawaan ng nakararami.

Marami ang nagsabing dapat ipanood ang The Kingmaker sa masa, ngunit bago iyon ay dapat muna itong isalin sa wikang Filipino at maging sa ibang wika sa Pilipinas. Hindi agad tatanggapin ng masa ang impormasyong nakalahad sa wikang hindi malapit sa kanila. Kung nais nating manghamig at magmulat, hindi ang wika ng mananakop ang dapat nating gamitin.

Iyan ang pinakamahalagang dulot ng pagsasalin sa wikang Filipino: ang paghubog at pagpapatatag ng pagmamahal sa bansa. Ginamit ito ng mga Pilipino noong panahon ng kolonisasyon at Batas Militar, hindi na dapat usapin kung dapat bang gawin ito ulit.

Napakamakapangyarihan ng wika — ayon nga kay Conrado de Quiros [6], may kakayahan ang wika na magdulot ng komunikasyon ngunit kaya rin nitong magdulot ng kawalan nito. Gamit ang wikang Filipino, maaari tayong magkaisa laban sa mga kanser ng lipunan o mas lalong magkagulo at magkahiwa-hiwalay.

Sa pelikulang The Two Popes (2019) ni Fernando Meirelles, sinabi ni Santo Papa Benedict XVI kay noong Kardinal Bergoglio na wikang Latin ang ginagamit niya kapag nag-aanunsyo ng masamang balita dahil kaunti lamang ang mga Kardinal na naka-iintindi ng Latin, bagkus ay kaunti lamang din ang magagalit. Ang sitwasyong iyon ay parehong-pareho sa ating lipunan na mas binibigyang-pansin ang Ingles gayong hindi matatas dito ang nakararami.

Kung iilan lamang ang nakaiintindi sa mga impormatibong midya, iilan lamang din ang mamumulat at magagalit.

Ang mga babasahin na gaya ng The Conjugal Dictatorship ni Primitivo Mijares at mga dokumentaryong gaya ng The Kingmaker ay dapat na nakasalin sa Filipino upang lubusang maintindihan ng masa at mamulat sila sa katotohanan.

Panahon na upang iwaksi natin ang kaisipan na mababa ang wikang Filipino kumpara sa wikang Ingles. Hindi natin kailangan tanggalin ang wikang banyaga sa ating lipunan at isipan, ngunit ang ating sariling wika ang dapat maghari sa ating bansa. Ang mga midyang nakasalin sa wika natin ay hindi “cringe” dahil isinalin ito upang mas lalong maraming makabasa, makapanood, matuwa, magalit, at mamulat.

Sa Pilipinas, wala nang ibang wika ang mas matulungin, makamasa, mapagmahal, at mapaglaya kundi ang ating sariling wikang Filipino.

Ito ang aking pinal na papel sa kursong Fil 40 na pinamagatang “Ay, Tagalog: Ang Tingin ng mga Pilipino sa mga Midyang Isinalin sa Wikang Filipino”.

SANGGUNIAN:

[1] Almario, V. (1997). Mulang Tagalog hanggang Filipino. In Daluyan. Vol. VIII №1–2. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, University of the Philippines System. Pp.1–10.

[2] Atienza, G. (2010). Spectacle! The power of protest drama during martial law. Kritika Kultura, 14, 120–141.

[3] Balisi, A. J. (2020, May 12). Philippines: Works in Translation. Academia.Edu. https://www.academia.edu/43027429/Philippines_Works_in_Translation

[4] Cabral, K. M. (2020, August 25). Filipino-dubbed cartoons ain’t cringey — it’s necessary. Scout Magazine. https://www.scoutmag.ph/62695/filipino-dub-cartoon-anime/

[5] Constantino, P., Garcia, L., & Ramos, J. (1982). Sitwasyong Pangwika sa Pilipinas. Unibersidad ng Pilipinas.

[6] De Quiros, C. (1996). Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan. Daluyan Journal. VII: 1–2, mp. 29–35. Lungsod Quezon: SWF-Sistemang UP.

[7] Hipol, T. (2019, August 31). Dubble trouble. Vantage — The Guidon. https://vantage.theguidon.com/dubble-trouble/

[8] Isaac, B. (2020, August 24). Buwan ng Wikang Pambansa 2020: Bakit nga ba hirap tayong gamitin ang Filipino? TomasinoWeb. https://tomasinoweb.org/blogs/buwan-ng-wikang-pambansa-2020-bakit-nga-ba-hirap-tayong-gamitin-ang-filipino/

[9] Labor, K. L. (2020, August 16). Aklat ng Bayan: Why Read the Filipino Translations? Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2020/08/16/aklat-ng-bayan-why-read-the-filipino-translations/

[10] Lanuza, G. M. (2003). Towards a Relevant Filipino Sociology in the Age of Globalization and Postmodernity. Philippine Quarterly of Culture and Society. 31(3), 240–254. http://www.jstor.org/stable/29792528

[11] Mojares, R. B. (2017). The Circuits of Translation: The Philippines and the World | Mojares | Journal of English Studies and Comparative Literature. Journal of English Studies and Comparative Literature. https://www.journals.upd.edu.ph/index.php/jescl/article/view/672112

[12] Peñalosa, G. (2021, May 26). Hot take: We shouldn’t be making fun of Tagalog dubbed TV shows. Inquirer POP! https://pop.inquirer.net/110129/hot-take-we-shouldnt-be-making-fun-of-tagalog-dubbed-tv-shows

[13] Sicat, G. P. (2017). Translations in literature: English to Filipino | Per Se. Per Se. https://econ.upd.edu.ph/perse/?p=6775

[14] Meirelles, F. (2019). The Two Popes. [Film]. Netflix.

[15] TVUP. (2016, December 12). Wikang Filipino sa Panahon ng Internasyonalisasyon at Globalisasyon | Dr. Crisanta Flores [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=hZcNSvVq0Cg

--

--

Ronadine Amata
Ronadine Amata

Written by Ronadine Amata

Currently taking up Philippine Studies at UP Diliman. Doesn't shut up about Film and Philippine Literature.

No responses yet